Puwede na ulit lasapin ang sarap ng Reno liver spread na nagbalik na muli sa merkado matapos makakuha ng product registration certificate sa Food and Drug Administration (FDA).
Kinumpirma ito sa GMA News Online ni FDA Director General Eric Domingo nitong Biyernes.
“Yes, they [Reno liver spread] have a CPR (certificate of product registration),” ani Domingo.
Dahil dito, pinayagan na muli na ibenta sa pamilihan ang naturang produkto.
Nitong nakaraang September 16, nagbabala ang FDA sa pagbili ng Reno liver spread dahil hindi sumailalim sa product evaluation ng ahensiya ang produkto.
Ipinaliwanag din ng FDA na walang CPR ang Reno na kailangan upang matiyak na ligtas kainin ang produkto.
Ayon sa FDA may iba't ibang uri ng pagpapahintulot sa mga processed food product bago payagang maibenta sa merkado.
“The first is the License-to- Operate (LTO) which is an authorization granted to manufacturers, repackers, importers, distributors, wholesalers, traders who passed FDA guidelines such as Good Manufacturing Practices,” anang ahensiya.
Ayon sa FDA, ang gumagawa ng Reno Brand Liver Spread ay mayroong LTO bilang "food repacker."
Noong 2017, nag-apply ang kompanya para mabago ang kanilang LTO para maisama na rin sila bilang tagagawa ng processed meat products. Inaprubahan naman ito ng FDA.
“After being issued an LTO, the food business operator is required to secure another authorization which is called Certificate of Product Registration (CPR),”dagdag nila, bagay na hindi kaagad nagawa ng kompanya para sa kanilang produkto.—FRJ, GMA News