Hindi makatarungan ang mungkahi na ipagpaliban ang pagbibigay ng 13th month pay ng mga manggagawa, ayon kay Kidapawan Bishop Jose Colin Bagaforo, national director ng Caritas Philippines.
Binigyang-diin ng obispo na ang benepisyo na ito ay nakasaad sa Saligang Batas ng Pilipinas.
Ayon sa obispo, hindi maikakaila na mas labis na naapektuhan ng krisis na dulot ng pandemya ang mga manggagawang Filipino na ang ilan ay hindi pa rin nakakapasok o tuluyan nang walang papasukang trabaho.
“Withholding of the 13th month pay is adding insults to injury; It is a great injustice and inhuman to not give the 13th month pay at this time when many ordinary workers are affected, financially, by this pandemic,” dagdag pa ni Bishop Bagaforo.
Una na ng inihayag ni Labor Secretary Silvestre Bello III ang ungkahing ipagpaliban ang pagbibigay ng 13th month pay ng micro, small, and medium enterprises (MSMEs) dahil sa epekto ng krisis sa maliit na mamumuhunan.
Tiniyak naman ng Caritas Philippines ang pagbibigay ng suporta sa mga kawani upang ipanawagan ang pagtutol na ipagpaliban ang pamamahagi ng 13th month pay.
Giit ni Bishop Bagaforo, “Now is when our people need some extra funds because of the pandemic; sa mga small time employees, ang 13th month spells a big difference for a meaningful celebration of christmas and for some it is pantawid buhay na! IBIGAY ANG 13TH MO.!”
Sa pag-aaral ng Employers Confederation of the Philippines (ECOP) tinatayang nasa dalawang milyong manggagawa ang maaring hindi makatanggap ng kanilang 13th month pay ngayong taon dahil sa pagkalugi ng ilang mga kompanya.
Ngunit, nilinaw na nang Malacañang noong Martes na hindi maaaring iantala ang pagbibigay ng 13th month pay. —LBG, GMA News