Sa kabila ng pandemic, mas maagang natapos kaysa inaasahan ang Metro Manila Skyway Stage 3, ayon sa San Miguel Corp. (SMC) na nasa likod ng proyekto.

Sa isang pahayag, sinabi ni SMC president at COO Ramon Ang, na ang buong 17.93-kilometrong proyekto na mag-uugnay sa Southern at Northern Luzon ay natapos nitong weekend.

Sa kabila ito ng nangyayaring pandemic, mas maaga umano itong natapos kaysa sa orihinal na itinakdang petsa na October 31.

“I’m happy to announce that the whole structure of Skyway 3 is now complete. With this, Skyway 2 in Buendia is now officially extended all the way to the North Luzon Expressway,” ayon kay Ang.

“After many challenges this project faced in previous years, the dream of connecting north and south and providing an alternative to EDSA is now a reality,” patuloy niya.

Dahil sa Skyway Stage 3, ang biyahe mula SLEx patungong NLEx ay tatagal na lang umano ng 20 minuto, mula sa dating tatlong oras.

Ang Magallanes hanggang Balintawak ay magiging 15 minuto, Balintawak to Ninoy Aquino International Airport ay 15 minuto, at ang Valenzuela to Makati ay 10 minuto.

Gayunman, sinabi ni Ang na hindi pa puwedeng buksan sa publiko ang expressway dahil may mga kailangan pa ayusin na bahagyang naantala dahil sa mga pag-ulan.

“We’re very excited to open Skyway 3 to the public. We just have to wait for the weather to improve so we can make sure that the asphalt will cure properly. That and a few more finishing touches are all that’s needed, and then we can open, soon,” ayon kay Ang.

Sa kaniyang Facebook account,  nag-post din si Department of Public Works and Highway Secretary Mark Villar, upang ibalita ang pagkakatapos sa proyekto.

Gaya ng sinabi ni Ang, magiging 30 minuto na lang umano ang layo ng SLEX at NLEX. 

"Skyway Stage 3 is one of 23 projects under the EDSA Decongestion Program—is completed ahead of schedule. President Duterte fulfills promise to cut travel time from Makati to QC to only 15 to 20 minutes," anang kalihim.--FRJ, GMA News