Inihayag ng tagapagsalita ni Pangulong Rodrigo Duterte na si Atty. Harry Roque na hindi maaaring ipagpaliban ng mga employer ang pagbigay ng 13th month pay sa kanilang mga kawani.
Ginawa ni Roque ang pahayag matapos na umani ng batikos ang sinabi kamakailan ni Labor Secretary Silvestre Bello III, na posibleng payagan na hindi magbigay ng naturang benepisyo ang mga kompanyang “in distress” ngayong taon dahil sa epekto ng COVID-19 pandemic.
“The law has not been amended. That is the law. That is a mandatory provision of the Labor Code,” giit ni Roque sa news conference sa Malacañang nitong Lunes.
“Pabayaan po nating pag-aralan ng DOLE [Department of Labor and Employment]. Pero sa aking tingin, hanggang magkaroon ng bagong batas ay baka hindi po iyan pupuwedeng ma-defer,” dagdag ng opisyal.
Sa ilalim ng Presidential Decree 851, lahat ng mga employer ay dapat magbigay ng 13th month pay sa kanilang mga kawani bago sumapit ang December 24.
Gayunman, nakasaad sa implementing rules and regulations (IRR) ng naturang kautusan na, “distressed employers shall qualify for exemption” kung papayagan ng Secretary of Labor.
Ayon kay Bello, magkakaroon ng pag-uusap ngayong linggo ang DOLE, labor groups, employers groups, at Department and Trade and Industry, upang alamin ang mga kompanya na maaaring ideklarang "in distress" dahil sa epekto ng pandemic, at payagang hindi na muna magbigay ng 13th month pay.
Sa isang pahayag, iginiit naman ni Senador Bong Go na higit na dapat na ibigay sa panahong ito ang 13th month pay ng mga manggagawa na hirap ngayon sa buhay.
"Ibigay natin sa mga empleyado ang dapat na ibigay sa kanila na naaayon sa batas at sa tamang panahon. Ngayon na hirap pa ang karamihan sa atin dahil sa pandemya, unahin dapat natin ang kapakanan lalo na ng mga maliliit na manggagawa," ayon sa senador
Sinabi ni Go na makikiusap siya kay Duterte sa DOLE upang siguradong matanggap ng mga kawani ang naturang benepisyo na ibinibigay taun-taon.
;Dapat tulungan din ng gobyerno ang maliliit na mga negosyo na makaahon upang mas lalo nilang maalagaan ang kanilang mga empleyado at hindi maapektuhan o mahinto ang mga benepisyo na itinakda ng batas," dagdag niya.— FRJ, GMA News