Nabisto ang tangkang pagpupuslit ng marijuana ng isang babaeng dalaw matapos siyasatin ng mga pulis ang ensaymadang inabot niya sa kinakasama niyang preso sa Talipapa Police Station sa Quezon City.

Umamin ang bilanggo na ipinadala niya ang droga dahil gamot niya umano ito sa depresyon.

Sa ulat ni James Agustin sa GMA News TV "Balitanghali" nitong Huwebes, sinabing ipinadala ng dalaw na si Mary Jane Larrosa ang ensaymada para sa nakakulong na kinakasama nitong si Jonathan Alonzo.

Pinagdudahan ng pulisya ang padala dahil alas otso y media na pumunta ng estasyon ang babae, na lagpas na sa oras ng dalaw.

Kahit pinagbawalan na, nagpumilit pa rin si Larrosa.

"Pagkabigay niya agad siyang umalis, quickly ... so 'yung jailer nagduda. Nandu'n si Alonzo hawak-hawak 'yung pasalubong, so binuksan in front of him, which is nagbungad 'yung marijuana sa ibabaw ng ensaymada," pahayag  ni Police Lieutenant Colonel Jeffrey Bilaro, commander ng Talipapa Police.

Nakakulong si Alonzo magmula pa noong Agosto dahil sa kasong may kaugnayan din sa droga.

Dahil sa insidente, panibagong kaso ang kahaharapin ni Alonzo.

"Pinadala ko po sa kaniya. May sakit po kasi ako, para po sa depresyon," sinabi ni Alonzo, na alam naman daw na bawal ang pagpapadala ng droga sa loob ng bilangguan.

Pinaghahanap ngayon ng mga awtoridad si Larrosa na sinampahan na rin ng reklamo.

Inilahad ng pamunuan ng QCPD Station 3 na maghihigpit pa sila sa mga dalaw matapos ang insidente.

"Maingat kami diyan, pagka chine-check binabaligtad namin ang burger, iche-check namin 'yung in between baka du'n nakapalaman. Or sa bigas, or sa anything na hard object puwedeng gamitin sa loob kaya sinisita natin 'yun, talagang chine-check diyan sa pagpasok pa lang," ayon kay Bilaro. —LBG, GMA News