Nasunog ang halos 50 na mga bahay sa Sampaloc, Maynila nitong Miyerkules ng gabi, at isa ang naiulat na nasugatan.
Sa ulat ng Unang Balita nitong Huwebes, sinabing nangyari ang sunog sa panulukan ng Galicia at Aranga Streets, at naapula ang apoy pasado alas-onse ng gabi.
Nagpalipas ng gabi ang mga nasunugang residente sa isang bakanteng lote, dala-dala ang knailang mga naisalbang mga gamit. Nabalewala ang physical distancing, ayon sa ulat.
Nagsilikas din umano ang ilang residente kahit hindi naabot ang kanilang mga bahay. Bahagi umano ito sa kanilang paghahanda kapag may sunog, ayon sa isang lola.
Sugatan na ang isang lalaki matapos mabagsakan ng kawad ng kuryente sa kasagsagan ng sunog, ayon sa ulat.
Pahayag ng isang taga-Bureau of Fire Protection, nagmula ang apoy sa tatlong palapag na bahay sa lugar.
Nahirapan umano ang mga bumbero sa pag-apula ng apoy dahil kinapos sa tubig ang mga firetruck, at maylayuan din umano ang mga fire hydrant sa lugar ng sunog.
Inaalam pa ang sanhi ng sunog. —LBG, GMA News