Binatikos ni Marinduque Representative Lord Allan Velasco si Speaker Alan Peter Cayetano dahil sa talumpati ng huli na nakaapekto lang umano sa trabaho ng mga kongresista.
Sa Facebook post ni Velasco, iginiit niya na dapat sa Oktubre 14 magbitiw si Cayetano sa puwesto alinsunod sa nakapagkasunduan nila sa pakikipagpulong kay Pangulong Rodrigo Duterte nitong Martes ng gabi.
“October 14 was chosen as the date for the turnover because we committed to pass the budget before October 14 and do nothing else that would disrupt or derail the process,” anang kinatawan ng Marinduque.
Batay sa kanilang term sharing agreement noong July 2019, uupong lider ng Kamara si Cayetano sa unang 15 buwan, at si Velasco naman sa susunod na 21 buwan.
Magtatapos ang termino ni Cayetano bilang Speaker ngayong Oktubre. Pero may mga nagsusulong na mambabatas na manatili si Cayetano sa puwesto para hindi maantala ang deliberasyon ng 2021 budget na kailangan ngayong COVID-19 pandemic.
“It is most unfortunate, therefore, that today, deliberations on the budget was suspended. Instead of focusing on the work at hand, further political maneuverings and theatrics took the budget deliberations hostage,” sabi ni Velasco.
Sa talumpati ni Cayetano kaning sa plenaryo, nag-alok siyang magbitiw na bilang Speaker para umupo na si Velasco. Pero nagbotohan ang mga kongresista at tinanggihan ang kaniyang pagbibitiw.
Kasunod nito, may nagmosyon din na ipagpaliban na lang ang deliberasyon sa 2021 budget hanggang sa Biyernes.
Sabi rito ni Velasco, “We lost an entire day, and even tomorrow where you have declared that no session will be conducted, which are crucial in meeting our timeline.”
“These attacks and distractions serve no purpose other than to perpetuate what is a purely personal agenda threatening to delay the passage of the budget,” dagdag pa niya.
Kasabay nito, nanawagan si Velasco sa mga kapwa mambabatas na ipasa ang 2021 budget bago o pagsapit ng October 14.--FRJ, GMA News