Arestado ang isang lalaki matapos niyang holdapin ang isang tindahan sa Commonwealth, Quezon City. Paliwanag ng suspek, nagawa niya ang krimen matapos na mawalan ng trabaho dahil sa pandemic at naubos ang puhunan niya sa pagtitinda.
Sa ulat ni Jonathan Andal sa GMA News TV "QRT" nitong Martes, kinilala ang suspek na si Aldrin Pemanuel, dati umanong security guard.
Bago ang panghoholdap sa tindahan, umorder daw muna ng tatlong leche flan ang suspek at pagkatapos ay nagkuwento ng kung ano-ano sa tindera hanggang sa umalis.
Nang magsasara na tindahan, bumalik si Pamanuel at nakita siya ng tindera na magtatapon na ng basura.
"Tinanong ko pa siya anong ginagawa mo dito? Kukunin mo ba yung leche flan?," ayon sa tindera.
Ngunit bigla raw tinutukan ng suspek ng patalim ang tindera at nagdeklara ng holdap.
Nakuha ng suspek ang halos P4,000 kita ng tindahan at dalawang cellphone at saka umalis.
Pero bago tuluyang makatakas, nahuli na siya ng mga awtoridad matapos na makahingi kaagad ng tulong ang tindera.
Umamin naman ang suspek sa krimen at idinahilan niya na nawalan siya ng trabaho dahil sa pandemic at naubos na rin ang puhunan niya sa pagtitinda ng isda.
"Wala na po akong maipapakain, wala na po akong pambuhay sa sarili ko saka sa mga bata. Hindi ako binayaran ng kapatid ko sa pampuhunan ko po," paliwanag niya.
Nabawi sa suspek ang mga kinuha niya sa tindahan at isang patalim. Mahaharap siya sa kasong robbery.--FRJ, GMA News