Sa kabila ng pagbatikos ni Pangulong Rodrigo Duterte laban sa Facebook, tiniyak ng Malacañang na hindi ipapa-ban ng pamahalaan ang naturang social media giant sa Pilipinas.
Ayon kay Presidential spokesperson Harry Roque, mas gusto ni Duterte na magkaroon ng pag-uusap ang gobyerno at Facebook matapos ang pag-aalis ng naturang social media sa mga account na konektado sa adbokasiya ng administrasyon tulad sa militar at pulisya.
Dagdag pa ni Roque, magiging masama ang pag-ban sa Facebook sa mga Pinoy, pati na rin sa kompanya, dahil milyon-milyong Pilipino ang gumagamit nito.
“Alam ninyo po parehong hindi mabuti iyan sa Facebook at sa Pilipinas, number one po kasi sa buong mundo tayo sa Facebook. So kung mawawala tayo, malaking kawalan po iyan sa Facebook,” sabi ni Roque sa isang briefing.
“Dahil number one nga tayo, marami ring Pilipinong gumagamit ng Facebook na maaapektuhan din. So ang sabi naman ng Presidente, pag-usapan iyan dahil pare-pareho naman silang sinusulong ang karapatan ng malayang pananalita at iyong malayang merkado ng mga idea,” dagdag pa ni Roque.
Nitong Lunes, kinuwestiyon ni Duterte kung dapat pang ipagpatuloy ng Facebook ang operasyon nito sa Pilipinas matapos nitong ipasara ang mga page at account na may kaugnayan sa militar at pulisya ng bansa dahil sa "coordinated inauthentic behavior."
Makikita sa mga post ng mga account ang tungkol sa Anti-Terrorism Law, pati na rin ang pagbatikos sa ilang aktibista at komunista.
Inalis din ng Facebook ang mga page na naghahayag ng pagsuporta sa Presidente at ang potensyal na pagtakbo ng anak ni Duterte na si Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio sa 2022.
“Ang kongkretong aksiyon po ay huwag pong supilin ang kalayaan ng malayang pananalita ng mga personalidad o mga pages na pabor po sa gobyerno,” sabi ni Roque.
“Kasi ang nangyayari po, kapag laban sa gobyerno hindi po tinatanggal ng Facebook; kapag sumusuporta sa gobyerno naitatanggal po,” dagdag ni Roque.
Nauna nang sinabi ng Malacañang na maaaring lumipat ang mga tagasuporta ni Duterte sa ibang platform matapos ang pagsasara ng Facebook pages.--Jamil Santos/FRJ, GMA News