Nirerepaso na umano ng Department of Education ang pinansiyal na tulong na ipagkakaloob sa mga nawalan ng trabaho sa sektor ng edukasyon na tinatayang nasa 4,500 matapos magsara ang ilang eskwelahan dahil sa COVID-19 pandemic.
Sa pagdinig ng Senado sa 2021 budget ng DepEd nitong Biyernes, sinabi ng mga opisyal nito na maglalabas sila ng joint memorandum circular para sa pamamahagi ng P900 milyon na COVID-19 cash assistance na nakapaloob sa Bayanihan to Recover as One Act o Bayanihan 2.
Ayon kay DepEd Undersecretary Jess Mateo, ilang pagpupulong na umano ang ginawa nila kasama ang Department of Labor and Employment, at Commission on Higher Education.
"DOLE will come up with a joint memorandum circular to be signed by the three heads of agencies... Tapos na po 'yung JMC na yun it's just being legal scrubbed by the DOLE legal team," pahayag niya sa mga senador.
Ikinatuwa naman ni Senador Joel Villanueva, chairman ng Higher, Technical and Vocational Education, ang ibinigay na kasiguraduhan ng DepEd.
Ayon sa senador, sa ilalim ng Bayanihan 2 Act, P300 milyon ang nakalaan na pondong pang-ayuda para sa mga guro at iba pang kawani sa edukasyon na nawalang ng trabaho lalo na sa mga nagsarang mga pribadong paaralan.
Samantalang P600 milyon naman ang nakalaan para sa mga mag-aaral.
“We, in the Senate, struggled to insist on this provision in the law. We just wanted to make sure that the funds will be used to provide immediate help to teachers and students in need,” sabi ni Villanueva sa pahayag.
Ayon kay Mateo, ang mga teaching and non-teaching personnel na naapektuhan ng pandemic ay maaaring tumanggap ng nasa P5,000 na ayuda.
"In effect, ang ibibigay lang po natin, P5,000 dito because the P300 million is not sufficient," anang opisyal.
Uunahin din umanong bigyan ng tulong ang mga nasa elementary schools dahil ito umano ang may pinakamataas na bilang sa 865 na pribadong eskwelahan na nagsara dahil sa pandemic.
Samantala, sinabi ni Mateo na kailangan pa nilang pag-usapan ng Commission on Higher Education ang hatian sa paggamit ng P600 milyon na ayudang para sa mga mag-aaral sa paraan ng subsidiya at allowance.
Nitong nakaraang linggo, inihayag ni CHED chairperson Prospero De Vera III, na magiging mahirap ang pamamahagi ng naturang cash assistance sa sektor ng edukasyon dahil sa lawak ng sakop na kasama ang public at private elementary, secondary, at tertiary education institutions. --FRJ, GMA News