Isang 30-anyos na nurse na itinuring na low-risk sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) ang pumanaw isang linggo matapos dapuan ng sakit, na labis na ikinagulat ng kaniyang mga mahal sa buhay.
Ayon sa ulat ni Ivan Mayrina sa GMA News “24 Oras” nitong Biyernes, nilagnat ang nurse na si Joey Ner noong gabi ng Setyembre 16. Paglipas ng dalawang araw, nagpatingin si Ner at sumailalim sa mga lab test na naglabas ng normal na resulta.
Dahil maituturing na isang low-risk dahil 30-anyos lang, walang bisyo, walang ibang sakit, at madalas na nag eeksersisyo, pinayuhan siyang sumailalim sa home quarantine.
Noong Setyembre 21, ang araw kung saan naka-schedule ang kaniyang swab test, ay lumalala na ang kondisyon ni Ner.
“Nakita ko parang hinihingal siya. Mabilis ‘yung paghinga niya pero ang sinasabi niya hindi naman siya hinahapo. So sabi ko pa-admit ka na. During his admission, nag cha-chat pa kami, nangungulit pa siya, nag vi-video call pa siya sa mga pamangkin ko,” ayon kay Dr. John Paul, kapatid ni Ner.
Katrabaho ni Ner ang kaniyang kapatid sa East Avenue Medical Hospital. Bagama’t madalas na pinag-uusapan ng magkapatid ang peligro sa trabaho, nagulat daw si John Paul sa bilis ng paglala ng kondisyon ni Ner.
Bago magtanghali nitong Setyembre 23 ay isinailalim si Ner sa hemoperfu shot, isang proseso upang malinis ang kaniyang dugo.
“Ka-chat ko pa siya noon, kakulitan ko pa siya until lunch time. Tapos sinabi pa niya sa akin nasa kwarto na siya, tapos na ‘yung procedure, ililipat siya ng ICU,” kuwento ni John Paul.
“Tas mga 30 minutes si Majo na nagsabi sa akin na kailangan daw i-intubate ‘yung kapatid ko kasi bumibilis ‘yung kanyang breathing. Tapos mga wala pang 30 mintues after that nag-arrest na daw siya,” idinagdag nito.
Pero pumanaw din si Ner nang araw ding iyon.
Ang Majo na tinutukoy ni John Paul ay si Majo Tenepere, nobya at kapwa nurse na nagbantay kay Ner.
Bilang isang nurse sa COVID-19 ward ng East Avenue, sanay raw siyang makita ang paghihirap ng mga pasyente.
Ngunit, hindi raw siya handa nang makita ang nobyo na nag-aagaw buhay.
“Hindi po, hindi talaga. Hindi po si Joey, hindi ko po naisip na gano’n. Sobrang hirap, sobrang hirap po talaga. Hindi ko kaya na makita si Joey na gano’n. Hindi pumasok sa isip ko ‘yung ganong itsura niya. Nakita ko siya na nahihirapan siya, hindi,” ani Tenepere.
Nagpapagaling at naka-isolate din si Tenepere dahil sa COVID-19.
Hinihiling naman ng mga mahal sa buhay ni Ner na sana ay hindi mabalewala ang sakripisyo nito na isang nurse na nagpakita ng dedikasyon sa kaniyang trabaho.
“Huwag silang papakampante, ‘yung COVID kasi kahit sinasabi nila na karamihan mild, paano kung severe and dumapo sa'yo? Katulad niyan, walang nag-e-expect na ganiyan ang mangyayari, so dapat parati silang nag-iingat,” ani John Paul.
Nitong Setyempre 23, umabot na sa 9,267 na frontliners ang nagpositibo sa COVID-19. Sa bilang na ito, 8,566 ang gumaling sa sakit habang 90 naman ang pumanaw.--Joahna Lei Casilao/FRJ, GMA News