Arestado ang dalawang babae matapos silang magpanggap na mga empleyado ng Manila International Airport Authority (MIAA) para malusutan ang mga opisyal sa immigration at makalipad patungong Dubai.
Sa ulat ni John Consulta sa GMA News "24 Oras," sinabi ng National Bureau of Investigation-International Airport Division na tinangka ng dalawang babae na pumasok sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 1 gamit ang mga pekeng MIAA ID.
Modus nila na magkaroon ng access sa mga ipinupuslit sa departure area ng paliparan para maiwasan ang counter ng Bureau of Immigration (BI) at hindi sila ma-offload ng nagbabantay na immigration officers.
“Ginamit nila ito para malagpasan nila 'yung immigration, para ‘di na sila dumaan sa immigration. Kasi ‘yung dinaanan nila, dinadaanan ng mga empleyado papunta sa loob para makadiretso na sila sa boarding gate,” sabi ni NBI international airport investigation division chief Atty. Ruel Dugayon.
Binalikan ng mga awtoridad ang dinaanan ng mga suspek at nahanap ang isa nilang kasabwat na nagpasok sa kanila sa paliparan.
Nagtatrabaho ito bilang operations assistant sa MIAA.
At nang magharap-harap, positibo nilang itinuro ang lalaking kasabwat.
Sinubukan ng GMA News na kunan ng pahayag ang mga suspek.
Sinampahan sila ng kasong human trafficking at falsification of public documents.
Pinaalalahanan ni NBI deputy director Atty. Jun de Guzman ang overseas Filipino workers na makipag-ugnayan sa mga awtorisadong travel agencies.
“Atin pong mga OFWs working abroad ay subject to abuse ng kanilang mga amo abroad. Alam niyo sa mga maayos na travel agencies, they are in charge of preparing your travel documents para pagdating niyo po doon sa ano eh walang problema,” sabi ni de Guzman.-- Jamil Santos/FRJ, GMA News