Nadismaya ang mga senador nang malaman nila na mayroon pang P10 bilyong pondong pang-ayuda na para sa mga mahihirap na Filipino sa ilalim ng Bayanihan law ang hindi ipinamigay ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) at idineklarang "savings."
Inihayag ng DSWD sa budget hearing sa Senado nitong Martes, na naipon ang naturang pondo nang mabawasan ng apat na milyon ang mga nakatanggap ng P5,000 hanggang P8,000 cash aid sa Social Amelioration Program (SAP) dahil sa "double compensation."
Ayon kay Senate Minority Leader Franklin Drilon, ang ginawa ng DSWD na hindi ipamigay ang P10 bilyon ay taliwas umano sa hangarin ng pamahalaan na pasiglahin ang ekonomiya sa harap ng COVID-19 pandemic.
"The DSWD should give the P10 billion to the poor which did not receive the second tranche of SAP. Huwag po nating tipirin ang tulong natin sa ating mga kababayan,” sabi ni Drilon sa pahayag.
"The government needs to spend within the remaining months of the year to jumpstart the economy. We must spend money to feed the 5.2 million Filipino households who are hungry, provide jobs to seven million Filipinos and give assistance to distressed businesses," patuloy niya.
Ayon naman kay Senador Risa Hontiveros, dapat pa ring ipamahagi ang naturang ayuda sa mga mahihirap dahil ibinalik noong Agosto sa mas mahigpit na community quarantine ang Metro Manila at mga kalapit na lalawigan.
"It is unconscionable na may pera ka, iniipit mo, at hindi mo ibibigay sa mga nangangailangan. Dapat itong ipinamahagi lalo't nagdeklara ulit ng MECQ noong Agosto nang humiling ng 'time out' ang ating health workers... May mga nawalan ulit ng kita sa loob ng 15 araw," sabi niya sa mensahe.
"Also, there are businesses still unable to reopen and workers losing their income due to limited public transportation as a direct result of the IATF (Inter-Agency Task Force) regulation," dagdag ni Hontiveros.
Umaasa naman si Sen. Sonny Angara, chairman ng finance committee, na kaagad na kikilos ang DSWD para ipamahagi ang naturang pondo sa mga nangangailangan.
"These were emergency funds after all which were diverted from other government programs so as to react to the damage caused to families and individuals affected by COVID-19," paliwanag niya sa hiwalay na mensahe sa media.
"The country’s prudent financial management in the past should give way to more spending now that people need it most," dagdag ni Angara.
Naniniwala rin si Sen. Nancy Binay na libu-libong pamilyang Filipino ang dapat sanang nakinabang sa naturang pondong hindi ginastos.
"Ang suggestion ko doon sa hearing, kung kakayanin ipamigay na lang nila as is yung SAP dahil bukod doon sa jeepney drivers, may mga kababayan pa tayo na biktima ng Taal na nasa evacuation centers," ayon kay Binay sa panayam ng Dobol B sa News TV.
Sa hiwalay na pahayag, sinabi ni Sen. Panfilo Lacson na dapat ipamigay ang naturang pondo at hindi dapat ikonsidera ng DSWD na "savings."
"I would have manifested that hundreds of thousands of mouths are still waiting to be fed just to survive, and that the agency should at least mind those poor souls... I would have insisted that the DSWD utilize the P10 billion for distribution, instead of prematurely declaring the same as 'savings'," anang mambabatas.
"If this is not failure of planning, preparation, coordination and implementation, I do not know how to describe it," dagdag niya.
Paliwanag naman ng DSWD, plano nilang gamitin ang naturang P10 billion "savings" bilang P15,000 livelihood assistance para sa mahigit 600,000 pamilya.
Hinihintay pa umano nilang aprubahan ito ni Pangulong Rodrigo Duterte.--FRJ, GMA News