Isang tindera ng halaman sa Quezon City ang natangayan ng pera at cellphone ng isang nagpanggap na customer, ayon sa ulat ni Bam Alegre sa Unang Balita nitong Lunes.
Sa kuha ng CCTV ng Quezon City Memorial Circle, makikitang nakabihis-frontliner pa ang suspek. May ID pa raw ito kaya naman mukang katiwa-tiwala.
Nung una, namili ang suspek ng halagang P400 na mga tanim.
Naisagawa ang umano'y pagnanakaw nang malingat ang tinderang si Zenie Geronimo para maghanap ng baryang panukli sa suspek. Aniya, tila sadya siyang nilito ng suspek.
Natangay ng suspek ang wallet at cellphone ni Geronimo. Anang tindera, hindi bababa sa P30,000 ang laman ng wallet na kita raw ng tindahan.
"Sana makonsensiya siya," sabi ni Geronimo. "Pinaghirapan ko yan tapos basta lang niya kinuha nang walang kahirap-hirap. Sa hirap ng buhay ngayon sana nanghingi na lang siya." —KBK, GMA News