Patay ang isang pulis sa pamamaril sa Sta. Cruz, Maynila nitong Sabado, at ninakawan naman ang sinusundan niyang AUV.
Nakilala ang pulis na si Police Executive Master Sergeant Roel Candido, ayon sa ulat ni Jonathan Andal sa Unang Balita nitong Lunes.
Sa kuha ng CCTV ng Barangay 304, nakitang may nakaparadang kotse sa Florentino Street. Tatlong lalaki ang bumaba sa kotse at nag-abang sa kabilang bangketa.
Maya-maya ay may puting AUV na dumaan kasunod ang motorsiklong sinasakyan ni Candido.
Dahan-dahan nang umusad ang kotseng nakaparada at hinarangan ang puting AUV.
Dito na tinutukan ng mga lalaki si Candido. Dalawa sa mga suspek ay naka-fatigue uniform pa ng Philippine National Police.
Napaluhod pa ang biktima at nagtaas ng kamay pero pinagbabaril pa siya at kinuha ang kanyang baril.
Tinutukan naman ang mga pasahero ng AUV, pinuwersang buksan ang pinto nito, at kinuha ang tatlong bag.
Isa sa tatlong sakay ng AUV ay may-ari ng jewelry shop.
Tinatayang aabot sa P2 milyon ang halaga ng pera at alahas na tinangay ng mga salarin sa tatlong bag.
Ayon naman sa Manila Police District, ito ay plinano ng husto ng mga suspek.
“Well, ang motibo talaga base sa imbestigasyon namin is robbery. At itong robbery na ito ay hindi basta-basta robbery by chance. Ito ay masusing pinag-aralan at matagal ang surveillance nito. At alam nila kung aling sasakyan. Kabisado nila," ani Police Brigadier General Rolando Miranda, direktor ng Manila Police District.
Ang target daw pagnakawan talaga ay ang may-ari ng jewelry shop.
“Nagulat din siya (Candido) eh. Nagmomotor lang siya tapos siya 'yung unang nilapitan. Parang ang tingin ko kasi, lalaban siya, bubunot siya eh. Kaya talagang tinuluyan siya. Ang masakit doon ay fininish pa siya at kinuha pa ang baril niya," dagdag ni Miranda.
Naisugod na sa ospital ang mga sakay ng AUV na natamaan at nadaplisan ng bala.
Ang misis naman ng biktima na si Jocilyn Candido ay nawagan ng hustisya.
Bumuo na ng special investigation task group ang pulisya.
"Talagang hahanapin namin kahit saang dulo ‘yan kaya dapat umalis na sila dito. Kasi kung hindi sila aalis ay tsambahan na lang at pasensyahan tayo,” ani Philippine National Police chief Police General Camilo Pancratius Cascolan. —KG, GMA News