Iba’t ibang uri ng isda ang nakuha ng mga residente sa mga kanal malapit sa Quirino Grandstand sa Maynila nitong Huwebes matapos magkaroon ng high tide sa Maynila Bay.
Ayon sa ulat ni Isa Avendaño-Umali sa GMA News “24 Oras,” sinabing napunta sa mga kanal ang mga isda nang umapaw ang tubig sa dagat dulot ng high tide.
Tuwang-tuwa naman at nag-uunahan ang mga bata sa pagkuha ng mga isda gaya ng tilapia, dalag, tamban, at iba pa.
Sabi ng ilang residente na informal settler sa lugar, uulamin nila ang mga isda. May iba naman ang nagbabalak na maibenta ang mga nakuhang isda.
Gayunman, nagbabala ang Department of Health sa pagkain ng mga isda mula sa mga kanal, lalo na't mayroon pa rin daw mga itinatapong basura sa Maynila Bay.
“Kung halimbawa makain ‘yan ng mga isda, ‘wag lang may mga kemikal na makain sila. Doon po nagkakaroon ng harmful effects for people when they ingest or consume the fish,” ani Health undersecretary Maria Rosario Vergeire.
“Sanitation can lead to our diseases. May pandemya po tayo ngayon and it would be really, it’s going to add burden for [our] health system kung magkakaroon pa tayo ng iba’t ibang sakit na kakalat,” idinagdag niya. --Joahna Lei Casilao/FRJ,GMA News