Inihayag ni Senador Ping Lacson na maaaring mas malala sa "not so good" ang tunog ng naging pahayag na "not so bad" ni Department of Information and Communications Technology (DICT) Secretary Gregorio Honasan II, tungkol sa internet "speed" sa Pilipinas na tatlo hanggang pitong Mbps.
"With all due respect to a highly regarded Cavalier and distinguished former Senate colleague, 'not so bad' may sound worse than 'not so good,'" sabi ni Lacson sa isang pahayag nitong Huwebes.
Ayon kay Lacson, sa gitna ng nagaganap na pandemic at mahalaga ang virtual communication, sinabi niya na, "what we want to hear, at least realistically, is 'good enough.'
Gayunman, sinabi ng senador na sadyang marami pa umano ang kailangang gawin para mapahusay ang serbisyon ng internet connection sa bansa.
Sa budget deliberations ng Senado nitong Miyerkules sa P46- bilyong panukalang budget para sa DICT sa 2021, inako ni Honasan ang responsibilidad sa isyu ng internet speed.
“No excuses po, we take full responsibility [sa isyu ng internet speed]. Sa ibang bansa pumapalo sila ng 55 Mbps, tayo naglalaro between 3 and 7 (Mbps), pero hindi na po ito masama,” ayon sa dating senador.
“Without going into figures, we are not doing too badly, we have improved a lot,” dagdag niya.
Sa hiwalay na pahayag, sinabi rin ni Senador Sonny Angara, na marami pang dapat gawin para hindi mapag-iwanan sa internet speed ang Pilipinas sa kabila ng “not so bad” na sinabi ni Honasan.
“There should be decisive steps taken to improve the speed, reach and affordability of internet services," ayon kay Angara para hindi umano mapag-iwanan ng ibang bansa ang Pilipinas.
Isinusulong din ngayon ang senador ang panukalang batas na Philippine Digital Workforce Competitiveness Act, para mapahusay at palaganapin ang pagsasanay sa digital skills, certifications, at mga pasilidad sa pagsasanay.
Ang Malacañang, suportado ang pahayag ni Honasan na hindi na masama ang "bilis" ng internet connectivity sa Pilipinas kumpara sa ibang kalapit na bansa.
“Secretary Gringo Honasan was absolutely correct – it’s not bad compared to our neighbors,” ayon kay presidential spokesperson Harry Roque sa televised briefing nitong Huwebes. “But we can do better and we will do better.”
Idinagdag niya na mismong si Pangulong Rodrigo Duterte na nagbigay ng utos na bilisan ang mga paglalagay ng telecommunications towers at iba pang proyekto para mapabuti ang serbisyo ng internet.
“Ibig sabihin, wala na pong dahilan ang mga telcos sa mga darating na panahon para hindi magbigay nang mas mabuting serbisyo sa panahon na talagang pati sa edukasyon ay nangangailangan tayo ng internet,” ayon kay Roque.--FRJ, GMA News