Magdamag na pumila ang ilang mga taga-Marikina para malaman kung nasa listahan sila ng mga tatanggap ng ayuda sa pangalawang tranche ng Social Amelioration Program.

Ayon sa ulat ni Bam Alegre sa Unang Balita ng GMA News nitong Lunes, hindi na inalintana ng mga residente ang pagod at puyat para makapila sa Barangay Sto. Niño.

Bawat isa ay kailangang magpakita ng ID bago malaman kung kasama sa listahan ng mga kuwalipikadong benepisyaro.

Apektado ng lockdown ang mga nakapila kaya't nagtiyaga silang pumila, pati na ang mga senior citizen.

Pahirapan naman ang pagsunod sa social distancing sa pila.

Sa video naman na ibinahagi ni Mark Makalalad ng Super Radyo dzBB, makikita ang mahabang pila ng mga tao sa bangketa sa Marikina City, para rin sa ayuda.

 

 

 

Ayon sa Department of Social Welfare and Development, noong Setyembre 9, umabot sa P82.2 bilyon na ang naipamahagi sa 13,784,904 na pamilya sa ilalim ng ikalawang tranche ng Social Amelioration Program.

Patuloy daw na magbibigay ng ayuda ang DSWD hanggang maabot ang target na bilang ng mga benepisyaryo.

Ang ayuda ay inilaan ng gobyerno para matulungan ang mga low-income na mga pamilya habang may COVID-19 pandemic. —KG, GMA News