Isang sanggol na babae ang natagpuang inabandona sa gilid ng halamanan ng isang bahay sa isang subdibisyon sa Parañaque City.

Sa ulat ni JP Soriano sa GMA News “24 Oras” nitong Huwebes, sinabi ng lalaking nakakita sa sanggol na naglalakad siya nang mapansin niyang may gumagalaw sa gilid ng halamanan.

“Nakabalot ng jacket tapos  naka-ano lang ‘yung ulo niya. May ano pa ‘yun, may pusod pa dito ‘yung bata. Gaganon-ganon na lang siya, siguro sa ano ng bata. Hindi na siya umiiyak eh,” kay Mak.

Kaagad na sinabi ng Mak sa kaniyang employer na si Chris Pedayo ang nakitang sanggol. Nakipag-ugnay din sila sa security personnel ng subdibisyon, na nakipag-ugnayan naman sa barangay.

“Nakakaawa ‘yung bata diba. ‘Yung relief ko is nahanap siya, you know, it’s very unfortunate nga na nangyari at the same time, I’m happy too na safe hands ‘yung person na nakakita. Kasi maraming mga aso dito or, you know, baka kung hindi niya nakita ‘yan baka umulan bigla,” sabi ni Pedayo.

Habang inaantay ang ambulansiya, dinala na muna ang bata sa bahay ni Nicole Camins, ang may-ari ng bahay kung saan malapit na nakita ang sanggol.

“Hours old lang kasi the umbilical cord nandoon pa, ‘yung placenta nandoon, nakakabit pa. So, I had to bring her inside, and ‘yung neighbor ko dito she’s a nurse kasi so she went over with first aid kits, ‘yung ganoon. So nilinisan namin ‘yung baby,” ayon kay Camins.

Wala naman daw silang napansin na dumaan o tumigil sa tapat ng kanilang bahay.

“’Yung son ko actually went up to me and he said, mommy I hear a baby crying. Pero when I listen to it, tumigil, so sabi ko, maybe it’s just a neighbor walking a baby ganon,”  saad niya.

Kinuha na ang sanggol nang dumating barangay ambulance, at nakipag-ugnayan sila sa City Department of Social Welfare and Development.

Sa spot report ng subdivision security, isang babae ang napansin na dumaan dakong 8 a.m. malapit sa lugar pero hindi tiyak kung siya ang nag-iwan ng sanggol.

Maayos naman umano ang kalagayan ng sanggol na ipinaubaya na muna sa pamunuan ng subdibisyon ang pangangalaga.--FRJ, GMA News