Pumanaw na ngayong Miyerkules sa edad na 74 ang dating lider sa Kamara de Representantes na si Arnulfo "Noli" Fuentebella.
Sa Facebook post, kinumpirma ng kaniyang anak na si Camarines Sur 4th District Representative Arnie Fuentebella, ang malungkot na balita.
"With deep sorrow, we would like to inform our family and friends that Former Speaker Arnulfo 'Noli' P. Fuentebella has passed away this morning, September 9, 2020," ayon sa nakababatang Fuentebella.
Ayon kay Arnie, pumanaw ang kaniyang ama dahil sa heart failure matapos ang dalawang taong pakikipaglaban sa kidney disease.
Wala pang ibinigay na detalye ang kongresista tungkol sa necrological services para sa kaniyang namayapang ama.
Nahalal na lider ng Kamara si Fuentebella noong Nobyembre 13, 2000 nang palitan niya sa puwesto ang noo'y Speaker na si Manny Villlar Jr., na pinatalsik matapos na aprubahan ng huli at ipadala sa Senado ang Articles of Impeachment laban sa noo'y nakaupong pangulo na si Joseph "Erap" Estrada.
Pero pagsapit ng Enero 24, 2001, natanggal si Fuentebella bilang Speaker nang mapatalsik naman sa puwesto si Estrada bilang pangulo.
Pumalit kay Fuentabella bilang lider ng Kamara si noo'y Quezon City Rep. Feliciano “Sonny” Belmonte Jr., sa ilalim ng administrasyon ni Vice President Gloria Macapagal Arroyo, na siyang pumalit kay Estrada bilang pangulo ng bansa.
Bukod sa pagiging lider ng Kamara, naging kinatawan si Arnulfo ng ikatlong distrito ng Camarines Sur mula 1992 hanggang 2001 at mula 2004 hanggang 2010, at kinalaunan ay kinatawanan naman ng fourth district ng lalawigan mula 2010 hanggang 2013 at mula 2016 hanggang 2019. —FRJ, GMA News