Tatlong tao na naghihintay lang sa labas ng isang veterinary clinic sa Quezon City ang sugatan matapos araruhin ng isang SUV, ayon sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Miyerkoles.
Huli sa CCTV ang nasabing insidente na naganap nitong Sabado ng umaga sa Regalado Avenue.
Kita sa kuha ng CCTV kung paano na lang biglang sumulpot ang SUV at sagasaan ang mga tao sa labas ng clinic. Kita ring umangat ang sasakyan at pumailalim ang isang biktima.
Sinugod sa ospital ang tatlong sugatan, at isa sa kanila ang nakalabas na.
Sa imbestigasyon ng otoridad, napag-alamang nakaparada ang SUV malapit sa clinic dahil inaantabayanan daw ng driver ang kaniyang anak na nagpapa-checkup ng alagang aso.
Nangyari raw ang insidente ng uusad na ang driver sa harap ng clinic.
"Ayon sa kaniya (driver), parang acceleration na hindi niya na-kontrol. Doon niya nasagasaan yung mga tao doon," ani Police Corporal Pablo Pagandiyan Jr., traffic investigator ng Quezon City Police District Traffic Sector 2.
Nangako raw ang driver ng SUV na sasagutin ang mga gastusin ng biktima. Ayon sa pulisya, hindi na raw kakasuhan ang driver dahil nagkasundo na ang lahat ng panig. —KBK, GMA News