Pumanaw na si Sorsogon 2nd District Representative Maria Bernardita "Ditas" Ramos, na lumitaw sa pagsusuri na positibo sa COVID-19.
Ipinaalam ni House Deputy Majority Leader Xavier Jesus Romualdo ang pangyayari sa sesyon ng Kamara de Representantes nitong Martes.
"It is with sadness that we just found out that our dear colleague, Rep. Maria Bernardita 'Ditas' Ramos of the 2nd district of Sorsogon has passed away," ayon kay Romualdo.
Kasunod ng malungkot na balita, naglaan ng panalangin ang mga kongresista sa pangunguna ni Pangasinan Rep. Christopher de Venecia.
Ayon kay House Secretary-General Jose Luis Montales, nalaman nila nitong Linggo na nagpositibo sa COVID-19 si Ramos.
“She developed symptoms and got tested in the province,” sabi ni Montales.
Si Ramos ang ikalawang kongresista na nagpositibo sa COVID-19 at pumanaw.
Una rito si Senior Citizens party-list Representative Francisco "Jun" Datol Jr.
Nakapagtala ng 70 kaso ng COVID-19 sa Kamara, na karamihan ay mga empleyado.--FRJ, GMA News