Dismayado si Archdiocese of Manila Apostolic Administrator Bishop Broderick Pabillo sa hindi napapanahong proyekto ng pagpapaganda at paglalagay ng artificial white sand sa Manila Bay bilang bahagi ng rehabilitasyon nito sa gitna ng krisis na kinahaharap ng bansa mula sa COVID-19 pandemic.
Inihayag ng obispo sa panayam ng Radyo Veritas na hindi naaangkop na mas bigyang prayoridad at paglaanan ng pondo ang nasabing proyekto dahil marami ang dumaranas ng hirap at nagugutom sa epekto ng health crisis.
“Ngayong panahon po na napakaraming mga tao na walang trabaho, na walang pagkain, tapos kung gagawa ng ganyang project na aabutin ng higit P300 million para lang sa white sand, parang hindi po angkop sa ating panahon ngayon," pahayag ni Pabillo sa Radio Veritas.
Iginiit rin ng Obispo na mas nararapat na ilaan ng Department of Environment and Natural Resources ang pondo sa pagkakaloob ng trabaho at pagkain sa mamamayang lubos na apektado ng pandemya.
“So ‘yan po'y marami pong mga hindi tama sa paggawa po ng project at lalung-lalo na sa'ting panahon ngayon na hindi angkop sa kalagayan ng ating bayan. Kaya kung ang DENR ay may pera, itulong nya sana sa mga pagbibigay ng trabaho, pagbibigay ng pagkain sa mga nangangailangan,” dagdag ni Bishop Pabillo.
Ipinaliwanag ng obispo na hindi rin nakatitiyak na ang nasabing white sand ay magtatagal at mapapanatili ang kagandahan ng Manila Bay dahil mapupuno lamang ito ng basura kapag sinalanta ng bagyo ang bansa.
“Hindi pa naman natin sigurado na ang white sand na ‘yan ay mananatili kasi alam naman natin na kapag t'wing bumabagyo ay talagang pinapasukan ‘yan ng lahat ng mga dumi so, pansamantala lang ‘yung kagandahan nyan.”pahayag ni Bishop Pabillo.
Samantala, suportado naman ni Manila Mayor Isko Morenao ang proyekto.
Sinabi rin ng DENR na ang proyekto ay makaka-discourage sa mga tao na magtapon ng basura sa Manila Bay, at hindi rin umano makasisira sa kapaligiran ang white sand. —LBG, GMA News