Magkakaroon pa rin ng Social Amelioration Program (SAP) o ayudang pinansiyal sa Bayanihan to Recover as One Act o Bayanihan 2, na nagkakahalaga ng P5,000 hanggang P8,000, ayon kay Senador Sonny Angara.
Sa online interview ng mga mamamahayag nitong Huwebes, sinabi ni Angara, chairman ng Senate Finance Committee, na lilimitahan na lang ang ayudang SAP para sa mga makakasama sa extended "hard lockdowns" at mga kababalik lang na OFWs.
Maaari din umanong makatanggap ng ayuda ang mga sektor na malubhang naapektuhan ng krisis at hindi nakasama sa SAP ng unang Bayanihan law.
"'Yung mga creative sector, part-time teachers ng schools, so sila ang bibigyan ng priority diyan pero hindi across the board entitlement ito," paglilinaw ng senador.
"The emphasis is on 'yung mga hindi nakatanggap, 'yung mga retrenched OFWs, returning OFWs. Medyo mas targeted siya ngayon," dagdag niya.
Hindi pa mabanggit ng senador ang kabuang pondo na ilalaan sa SAP pero mayroon ding P13 bilyon na inilaan sa Bayanihan 2 para matulungan ang mga manggagawang nawalan ng trabaho.
Nakapaloob din sa panukala ang pagpapatupad ng 60-day moratorium period sa pagbabayad ng lahat ng utang, mayroon man o walang ipinatupad na community quarantine.
Pasok din sa 30-day grace period ang pagbabayad sa renta ng residential at utility bills sa panahon ng ECQ o Modified ECQ.
Naglaan din ng P4.5 bilyon para sa pagtatayo ng karagdagang COVID-19 isolation facilities, at mga dorms para sa mga frontliner. Samantalang P5 bilyon naman para sa contact tracing.
Inaatasan din ang Department of Health na dagdagan ang bed capacity para sa COVID-19 patients ng 20 hanggang 30 porsiyento, ayon kay Angara.
Naglaan din ng P3 bilyon para sa pagbili ng personal protective equipment, at may P10 bilyon na standby fund para sa pabili at testing ng COVID-19 vaccines.
May P9.5 bilyon naman na pondo para suportahan ang sektor ng transportasyon at P10 bilyon sa turismo.
May karagdagang P8.9 bilyon na inilagay para sa sektor ng edukasyon.
Kapag naratipikahan na ng Senado at Kamara de Representantes ang panukala na inaasahang gagawin ngayong Huwebes, ganap na itong magiging batas kapag pinirmahan ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Tatagal ang bisa ng Bayanihan 2 na itinuturing isang "emergency bill," hanggang sa Disyembre 19, 2020.
Inaatasan din sa panukala ang tanggapan ng pangulo na magsumite ng buwanang ulat sa Kongreso kung papaano ginamit ang pondo.
"Hindi na every Monday, monthly na lang 'yung report pero idinagdag natin ang COA. That's the request of the executive. They want to show also that they're going to be transparent in the usage of the funds," ayon kay Angara.
"Hindi lang sa Congress ang oversight committee as in Bayanihan 1 inexpand pa yung reportorial requirements even to the Commission on Audit they must report," patuloy niya.— FRJ, GMA News