Pumanaw sa edad na dalawang taon ang pinakabatang pasyenteng may COVID-19 sa Bohol.
Ayon sa ulat ng GMA News "Unang Balita" nitong Huwebes, ang naturang bata ang ikapitong nasawi sa COVID-19 sa Bohol.
Mayroon umanong kondisyon na microcephaly at severe malnutrition ang bata.
Na-intubate pa ang pasyente pero pumanaw din kinalaunan.
Hinihinalang nakuha ng bata ang virus sa kanilang komunidad.
Isinailalim na sa lockdown ang kanilang lugar para magsagawa ng pagsusuri sa mga residente.
Sa Calaca, Batangas, 25 manggagawa na umuwi sa naturang bayan matapos magsara ang kanilang pinagtatrabahuhan ang nagpositibo sa COVID-19 nang isailalim sa COVID-19 test ng lokal na pamahalaan.
Naka-isolate na ang mga manggagawa at nakipag-ugnayan naman ang lokal na pamahalaan sa pinagtatrabahuhan ng mga manggagawa.
Isinailalim naman sa lockdown ang barangay Lumbak sa Pulilan, Bulacan hanggang sa Agosto 25 matapos na magpositibo sa virus ang 18 residente sa lugar.
Sa 18, isa lang umano ang kinakitaan ng sintomas ng sakit.
Naka-isolate na sila habang isinailalim naman sa modified enhanced community quarantine ang kalapit nilang barangay bilang pag-iingat din at magsasagawa na rin ng COVID-19 test.
Magandang balita naman ang nangyari sa Tawi-tawi na idineklarang COVID-19 free matapos gumaling na ang lahat ng kanilang pasyente.
Upang mapanatiling COVID-19 free ang lalawigan, mahigpit na ipatutupad ang health protocols at papatawan ng mabigay na parusa ang mga lalabag.--FRJ, GMA News