Inihayag ng Office of Civil Defense-Region V na nasa 25 katao ang nasaktan sa lindol na naranasan sa Masbate na may sukat na 6.6 earthquake kaninang umaga. Isang retiradong pulis naman ang iniulat na nasawi.

Sa situation report nitong 3:00 p.m., sinabi ng OCD-V na ang mga nasaktan ay mula sa mga bayan ng Palanas, Uson, at Pio V. Corpuz.

Iniulat naman na nasawi dahil sa lindol si retired Police Colonel Gilbert Sauro, matapos na magtamo ng, "internal hemorrhage secondary to multiple injuries."

Ayon sa OCD-V, nasa 16 na kabahayan ang mapinsala ng pagyanig.

Sa hiwalay na ulat ng Masbate Police Provincial Office, sinabing napinsala rin ng lindol ang Public Attorney's Office, gayundin ang Cataingan Public Market, Cataingan Municipal Police Station, maging ang kalsada at docking area sa Cataingan Port.

May naitala ring pinsala sa mga bayan ng Claveria, Dimasalang, Esperanza, Palanas, Pio V. Corpuz, at Uson.

Ayon naman sa pulisya, may 29 katao ang nasaktan sa mga bayan ng Cataingan, Palanas, Pio V. Corpuz, at Uson.

Naging sentro ng lindol ang Cataingan dakong 8:03 a.m., batay sa impormasyon ng PHIVOLCS.

Naramdaman ang Intensity IV sa Mapanas sa Northern Samar; Legazpi City sa Albay; at Lezo sa Aklan.

Samantalang Intensity III naman ang naramdaman sa Iloilo City, at Intensity I sa President Roxas sa Capiz. — FRJ, GMA News