Pinabulaanan ni Speaker Alan Peter Cayetano ang mga alegasyon na hiningi niya kay Pangulong Rodrigo Duterte bilang "pabuya" na manatiling lider ng Kamara de Representes matapos maibasura ang prangkisa ng ABS-CBN.
"Hundred percent false. Kung sino man ang gustong mag-accuse, eye-to-eye, mag-lie detector test tayo, at kung sino ang matalo sa lie detector test ay tumigil na sa kanyang profession," sabi ni Cayetano nang makapanayam ng mga mamamahayag nitong Lunes.
Iginiit ni Cayetano na wala siyang hiningi sa pangulo para manatili siya sa puwesto kapalit ng pagbasura ng House Franchise committee sa prangkisa ng ABS-CBN.
"Wala kaming usapan ng Pangulo about staying, wala kaming usapan ng Pangulo na any reward or whatever sa ABS-CBN. Ang commitment ko lang sa kaniya was to have a fair hearing, and then to decide kung ano ang best sa ating bansa," paliwanag ng mambabatas.
"And on that point, I know we disagree with many points with many of our people, but it was done as a matter of principle sa maraming miyembro," dagdag niya.
Sa darating na Oktubre, babakantehin ni Cayetano ang puwesto bilang speaker upang bigyan-daan ang pagpalit sa kaniya ni Marinduque Representative Lord Allan Velasco, alinsunod sa kanilang term-sharing agreement.-- FRJ, GMANews