Namimigay ng libreng taho ang isang 52-anyos na tindero para sa mga pumipila sa drive through COVID-19 testing sa Maynila sa kabila ng kaniyang kondisyon matapos makaranas ng mild stroke.
Dahil sa kaniyang kondisyon, ilang oras na lamang nailalako ni Gimmy Conos ang kaniyang tindang taho at may natitira pa, ayon sa ulat ni MJ Geronimo sa "Stand For Truth."
Ngunit sa halip na itapon, nagpasiya si Mang Gimmy na ibigay na lang ito sa mga tao, lalo't hindi pa nag-aalmusal ang iba.
"Marami pang laman, nanghihinayang po akong itapon. Mas mamabutihin ko pang mapakinabangan ng mga tao kaysa itapon ko... Masaya po ako, nakatulong ako sa taong nahirapan sa haba ng pila," sabi ni Mang Gimmy.
Pahayag niya, hindi na bago sa kaniya ang pagbibigay ng libreng taho.
"Alas singko ng madaling-araw, sige na ako ng lakad. Madalas ako mahilo 'pag gano'n na oras. Alas-nuwebe na, pinamimigay ko na para makauwi na 'ko kasi bawal ako magbuhat ng mabigat."
Matapos ma-stroke, hindi na nagagawang magbuhat pa ng mabibigat ni Mang Gimmy, lalo na ang kaliwa niyang braso.
Naapektuhan din nito ang kaniyang pagsasalita.
Ngunit para sa kaniya, mas inaalala pa niya ang pagbili ng medikasyon para sa stroke kaysa magka-COVID.
“Ang kinatatakutan ko lang po, biglain ako ng aking sakit. Nararamdaman ko ‘yung batok ko sumasakit talaga at ‘yung ulo ko parang iniikot,” kuwento ni Mang Gimmy.
Dahil sa kawalan ng transportasyon dulot ng COVID-19 pandemic, napipilitan si Mang Gimmy na sumakay sa taxi mula Quezon City papunta sa kaniyang supplier sa Maynila, dahil walang mga jeep.
“Inaabot ako ng P700 ang aking pamasahe. Napakahirap pang bumenta ng libo...Noon, inaabot po ‘yan P1,500 isang araw. Sa ngayon balik-puhunan lang kasi karamihan ng libre pinamimigay ko lang.”
Naninirahan din si Mang Gimmy sa loob ng isang jeep para maiwasang ma-lockdown sa inuupahan niyang bahay sa isang compound.
“Lumabas ako mag-umpisa ang lockdown kasi ikukulong nila kami doon, hindi kami puwedeng lumabas. Mild stroke [patient] ako, mainit ‘yung bahay ko, wala pa ‘kong gamot na suporta kundi pagkain lang. Wala pa akong gamot, baka mamatay pa ako sa stroke ko."
"Kailangan naman po namin matugunan ‘yung aming kahilingan, bigyan niyo kami ng service ng aming pagtitinda para hindi na kami sumakay ng taxi. Do’n lang napupunta ang aming kinikita,” panawagan ni Mang Gimmy. —LBG, GMA News