Isang tricycle driver na notoryus din daw na holdaper ang patay sa pamamaril sa Maynila, ayon sa ulat ni Mai Bermudez sa Unang Balita nitong Miyerkoles.

Sa loob mismo ng kaniyang tricycle binaril si Bernie Fernando Menza, 26, nitong Martes ng gabi sa Sampaloc. Natutulog siya noon kasama ang kaniyang mag-iina.

Ayon sa isang saksi, bago ang pamamaril ay may apat na lalaking sakay ng dalawang motor ang pumarada sa pinangyarihan ng krimen.

Naniniwala ang mga taga-barangay na isa sa mga naging biktima ni Menza ang nagpapatay sa kaniya.

Notoryus na holdaper daw si Menza na siyang tinuturong suspek sa pagnanakaw sa isang bisikleta nitong Martes. Dati na raw itong nadakip ngunit nakatakas sa presinto.

Mga estudyante raw ang kadalasang biktima ni Menza.

Depensa naman ng kinakasama ni Menza na si Jomelyn Latoza, matagal na siyang tumigil sa masamang gawain.

May dalawang maliliit na anak si Menza at si Latoza. —KBK, GMA News