Huli sa camera ang ginawang pagnanakaw sa isang matandang babaeng mangangalakal sa Caloocan City, ayon sa ulat ni Darlene Cay sa Unang Balita nitong Miyerkoles.
Sa kuha ng CCTV nitong Martes ng madaling araw, kita ang isang lalaki na umaaligid sa isang natutulog na babae sa ilalim ng footbridge sa EDSA.
Maya-maya, nilapitan ng lalaki ang babaeng kinilalang si Milagros Bautista, 68, at kinalikot ang mga gamit nito. Umalis siya nang bumalikwas ang babae, ngunit bumalik din kalaunan na may dalang panghiwa ng bag.
Nang makuha ang pitaka ng matanda ay dali-daling umalis ang suspek. Nagising ang biktima at sinubukang sundan ang lalaki pero hindi na niya ito nakita.
Ayon sa mga taga-barangay, hindi ito ang unang beses na nanakawan ang biktima.
Habang kinakapanayam ng GMA News ang isang barangay official, napansin niya sa CCTV na may lalaki na namang umaali-aligid ulit kay Milagros sa ilalim ng pareho ring footbridge. Kitang-kita sa CCTV kung paano kinuha ng lalaki ang bag ng biktima.
Agad namang pumunta ang mga taga-barangay sa lugar na nadakip ang lalaki.
Ayon kay Milagros, kahit matanda na siya ay hindi siya namamalimos. Nangangalakal daw siya at kumikita ng P50 na kaniyang iniipon.
Aminado naman ang suspek na s Martin Caliope na siya rin ang nagnakaw kay Milagros nitong Martes ng madaling araw. --KBK, GMA News