Isang lalaki sa Beirut, Lebanon ang tinutukan ng patalim at hinoldap ng salaring nakamotorsiklo. Pero nang papaalis na ang suspek, bumalik siya sa biktima para humingi ng paumanhin at nagpaliwanag na nagawa lang niya ang krimen dahil sa kahirapan.
Ayon sa ulat ng Agence France-Presse, tumaas ang kaso ng naturang uri ng krimen dahil na rin sa krisis sa ekonomiya na nararanasan sa naturang bansa, na nagtutulak sa kanilang mga mamamayan sa kahirapan.
Kuwento ng biktima si Zakaria al-Omar, 37-anyos, tinatayang nasa 40-anyos ang lalaking nangholdap sa kaniya na nangyari isang gabi sa Hamra commercial district.
"He told me that he didn't want to hurt me. He asked me to give him money or take him to a grocery store to buy some food," saad ni Omar. "He said his children back home were crying from hunger."
Matapos kunin ang kaniyang pera, pasakay na umano ang suspek sa motorsiklo pero bumalik ito para ipaliwanag na nawalan siya ng trabaho at hindi na makabayad sa renta kaya nagawa niya ang krimen.
"He started crying and apologised to me," sabi ni Omar sa AFP. "He told me that he was not a thief but that he was hungry and so were his children."
Ibinabalik daw ng suspek ang pera pero hindi na kinuha ni Omar.
"I told him that I forgave him, and then he went away," sabi pa ni Omar. "I was scared but I also felt sad for that man breaking down in front of me."
Ayon sa ulat, tumaas ang krimen sa Lebanon batay sa datos ng kanilang Internal Security Forces.
Mula sa 650 na naitalang kaso ng pagnanakaw at holdap noong 2019, tumaas ito sa 863 sa unang anim na buwan pa lamang ng 2020, batay umano sa nakitang dokumento ng AFP.--AFP/FRJ, GMA News