Sa kahihintay ng masasakyang barko para makauwi sa Cebu, naubos na ang naitatabing pera ng isang lalaki at P200 na lang ang natira mula nang maging Locally Stranded Individual (LSI) siya sa Luzon.
Sa ulat ni Darlene Cay sa GMA News "Unang Balita" nitong Martes, sinabing kabilang si Jose Laordin ang mga bagong dating na LSIs sa Manila North Port Terminal na gusto nang makauwi sa kani-kanilang probinsiya.
Dumating ang bagong grupo ng LSIs at pansamantalang natutulog sa tent na nasa tabing kalsada habang kanselado pa ang mga biyahe.
Ngunit dalawang linggo na sa labas ng Manila North Port si Laordin, na hinihintay ng dalawang niyang mga maliliit na anak sa Cebu.
"Sana po makauwi na ako, 'yun lang po ang hiling ko. Dapat makarating na ako ng pantalan ng Cebu," sabi ni Laordin.
May inasikaso umano si Laordin sa Bulacan kaya umalis ng Cebu, hanggang sa maudlot na ang kaniyang pag-uwi dahil sa kawalan ng biyahe.
Kalaunan, naubos na ang perang dapat ay pamasahe niya. Meron na lamang siyang P200 at hindi niya alam kung paano ito pagkakasiyahin sa pagkain at pambili ng ticket sa barko.
"Wala pong biyahe tsaka wala na akong pera. Hindi na kasya itong pambili ng ticket. P1,200 po, paano na ito?," tanong niya.
Samantala, hindi na nasamahan ni Rebecca Memoracion ang kaniyang ina sa mga huling sandali nito sa Bacolod, matapos siyang apat na buwang ma-stranded sa Metro Manila.
Pumunta si Memoracion sa Metro Manila para mag-asikaso ng mga papeles, pero inabutan siya ng lockdown. Apat na beses daw nakansela ang biyahe ni Memoracion.
"'Yung nanay ko simula nu'ng ma-ano, nagkasakit po 'yun eh, hindi ako makauwi uwi dahil parati nga ang biyahe ko naka-cancel tapos hindi tuloy-tuloy. Hanggang mamatay na, eh kailangan kong umuwi," kuwento ni Memoracion.
Mahigit isang linggo na raw nakaburol ang ina ni Memoracion.
Hiling ni Memoracion na magkaroon ng huling pagkakataon para makapagpaalam sa ina, na hindi niya nagawa noong magkasakit ito.
"Humihingi ako ng tulong na sana payagan akong makauwi kasi kailangan talaga eh, walang mag-aasikaso doon," ayon kay Memoracion.
Sa tent muna sa tabing kalsada matutulog si Memoracion kung hindi matutuloy ang kaniyang biyahe nitong Martes.
Kaniya-kaniyang latag ang mga LSIs sa mga tent at hindi na nasusunod ang physical distancing.
Inilahad ng kumpanyang 2GO sa kanilang Facebook page na hindi kasama nitong Martes ang mga stranded individuals sa biyahe papuntang Bacolod at Iloilo.
Pupuwede namang makasakay ang mga LSIs papunta sa Cagayan de Oro. -- FRJ, GMA News