Iniimbestigahan ng mga awtoridad kung natupok sa apoy o nawawala ang 400 na taong gulang na imahen ng Sto. Niño matapos masunog ang isang simabahan Pandacan, Maynila.
Sa ulat ni Jaime Santos sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, sinabing umabot sa ikatlong alarma ang sunog sa Santo Niño de Pandacan Parish na naganap dakong 1:00 p.m.
Kaagad namang rumesponde ang mga bumbero para patayin ang sunog.
Pero dahil gawa sa kahoy ang simbahan, madaling kumalat ang apoy, ayon kay Fire Superintendent Gerandie Agonos, District Fire Marshall, Manila.
Nang maapula ang apoy, nagtulong-tulong ang mga pulis, bumbero at ilang residente na mailabas ang nasunog na imahen ng Nazareno.
Natupok din ang loob ng simbahan at bumagsak ang altar nito.
Walang natirang mga upuan at nadamay din sa sunog ang iba pang mga imahen ng santo.
Sinabi ng ilang saksi na bigla na lamang nagkaroon ng apoy na mabilis na kumalat sa simbahan.
Pero ilang oras bago maganap ang sunog, nagkaroon pa raw ng binyag sa simbahan dakong 11:00 am.
"Baka masalba 'yung LPG, pagbaba po nila biglang sumabog, kumalat siyang ganoon, nagkalat-kalat na. Ngayon si Sto. Niño pinipilit isalba ng bumbero... Ito po lahat, kahoy lahat 'yan," sabi ng isang lalaking saksi.
"Even 'yung isang assistant priest namin paglabas daw po niya ng room niya, as in malaki na 'yung apoy kaya lumabas na lang talaga siya," saad ng isa pang ginang.
Sinasabing sa likurang bahagi ng ikalawang palapag ng simbahan nagsimula ang apoy.
Patuloy ang imbestigasyon ang Bureau of Fire Protection (BFP) para alamin ang sanhi ng sunog. Kabilang sa tinitingnan na dahilan ng sunog ang electrical wiring o napabayaang appliance.
Bago magkaroon ng sunog, naka-break ang mga staff at nasa labas naman ang pari. --Jamil Santos/FRJ, GMA News