Para maiwasan ang pagkalat ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa mga tren, ipagbabawal sa mga pasahero ng Light Rail Transit Line 1 (LRT1) na mag-alis ng face mask at makipag-usap habang nasa loob ng mga bagon.
Sa panayam ng "Dobol B sa News TV" nitong Biyernes, sinabi ni Jacqueline Gorospe, Corporate Communications head ng Light Rail Manila Corp. (LRMC), napansin nila na may mga pasahero ng LRT1 ang nag-aalis ng face mask sa loob ng bagon kapag may kausap kahit sa telepono.
"Knowing 'yung COVID-19, nata-transmit siya through droplets, another layer of protection is if walang nagsasalita, walang lalabas na droplets," sabi ni Gorospe.
"We remind our passengers na kailangan po i-postpone muna 'yung call. Or if they need to talk, kailangan nakasuot ang mask," dagdag niya.
Ayon kay Gorospe, may mga tauhan ng LRT ang mag-iikot sa mga tren para matiyak na naipatutupad ang kautusan.
Samantala, sinabi ni Gorospe na walang tauhan nila ang nagpositibo sa COVID-19 sa nakaraang mga buwan.
Sumailalim umano ang ito sa quarantine, at dalawa na ang gumaling at kinokompleto na lang ang 14-day quarantine period.--FRJ, GMA News