Kulungan ang bagsak ng isang 30-anyos na babae matapos niyang ialok umano sa online sex trafficking ang sariling anak pati ang babae niyang kapatid na may kapansanan sa pandinig sa Taguig City.
Sa ulat ng pulisya, dinakip ng pinagsanib-puwersa ng Philippine National Police Women and Children Protection Center, Anti Trafficking in Persons Division (PNP-WCPC-ATIPD), Taguig City Police Office (TCPO) at City Social Welfare and Development Office ang suspek sa bahay nito sa Taguig.
Nasagip naman ang pitong menor de edad na biktima, na kinabibilangan ng apat na lalaking edad 2, 4, 11 at 14; at dalawang babae na 3, 15, at ang 27-anyos na kapatid ng biktima.
Isa sa mga lalaking biktima ang sariling anak ng suspek, samantalang ang 3-anyos at 2-anyos na lalaki naman ang anak ng babae niyang kapatid na bingi.
Nakuha mula sa suspek ang isang mobile phone, dalawang resibo ng money transfer at isang USB flash drive na ginagamit umano ng suspek para sa krimen.
Nadakip ang suspek sa tulong din ng Philippines Internet Crimes Against Children Center (PICACC), na koordinasyon ng PNP-WCPC, the National Bureau of Investigation-Anti Human Trafficking Division (NBI-AHTRAD), Australian Federal Police, at United Kingdom National Crime Agency (NCA), at ng NGO na International Justice Mission Manila.
Paliwanag ni Reynaldo Bicol, Field Office Director ng IJM, kinokonsidera pa ring isang bata ang 27-anyos na may kapansanan ayon sa batas.
Mahaharap ang suspek sa paglabag sa Trafficking in Persons Act or Republic Act (RA) 9208, RA 10175 (Cybercrime Prevention Act of 2012), RA 9775 (Anti?Child Pornography Act of 2009) at RA 7610 (Child Abuse Law) dahil sa Online Sexual Exploitation of Children (OSEC).
Sasailalim sa trauma counseling ang mga biktima. -Jamil Santos/MDM, GMA News