Magbabawas ng mahigit 1,000 trabahador ang ground handling firm na nagseserbisyo sa Cebu Pacific na 1Aviation dahil pa rin sa epekto ng COVID-19 pandemic sa air transportation industry.
“With a heavy heart, we are left with no other recourse but to let go of 25% of our total workforce,” ayon sa pahayag ng 1Aviation Groundhandling Services Corp.
“Their last day as employees will be on July 20, 2020,” dagdag pa ng kompanya.
Sa panayam ng GMA News kay Gilbert Enriquez, pinuno ng Human Resources ng 1Aviation, sinabi nito na katumbas ng mahigit 1,000 trabahador ang 25 porsiyento ng hanay ng mga manggagawa ng kompanya.
Una rito, nagbawas na ng 400 probationary employees ang 1Aviation dahil sa epekto ng COVID-19.
Dahil sa pandemic, limitado ngayon ang biyahe ng mga tao sa Pilipinas at sa iba't ibang bahagi ng mundo.
“To cope with the situation, we implemented cost-mitigation measures which include a freeze on hiring, key projects and capital expenditure; restricting overtime and deferment of salary increases. However, less demand for travel and fewer flights mean reduced need for ground support services,” paliwanag ng kompanya.
“This unprecedented and uncertain situation with COVID-19 will continue to impact the aviation industry for many months ahead,” dagdag nito.
Sa pagtaya ng 1Aviation, posible umanong tumagal ng dalawang taon bago makabawi ang aviation industry mula sa perwisyong dulot ng COVID-19 pandemic.
“Given this situation, it is clear that the company still needs to take more drastic measures to ensure its survival,” saad nito. -- FRJ, GMA News