Pumanaw na si dating Department of Foreign Affairs (DFA) secretary Perfecto Yasay Jr. dahil sa sakit sa edad na 73.
Ang malungkot na balita ay kinumpirma ng biyuda ni Yasay na si Cecile, base sa ulat ni Manny Vargas sa "Dobol sa News TV" nitong Biyernes.
Pneumonia na komplikasyon ng kaniyang sakit na cancer ang ikinamatay ng dating kalihim.
Nakasaad din sa Facebook post ng United Church of Christ in the Philippines (UCCP), ang nangyari kay Yasay.
"We deeply regret the news of the passing of... the current Chairperson of PCU (Philippine Christian University) Board of Trustees and former DFA Secretary Atty. Perfecto Yasay, Jr.,” ayon sa UCCP.
Nag-tweet din ang kasalukuyang kalihim ng DFA na si Teodoro Locsin Jr., sa pagpanaw ni Yasay.
"Jun Yasay has donned the garment of immortality," saad ni Locsin.
"More important it makes him finally impervious to pain. He recommended me for my UN job. He hurt no one and helped everyone he could. He did what many fighting tyranny had to: shield themselves with US law," ayon pa sa kalihim.
Nagsilbing kalihim ng DFA si Yasay sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte mula June 2016 hanggang Marso 2017.
Napilitan si Duterte na palitan si Yasay sa puwesto matapos na hindi makapasa ang kompirmasyon ng kalihim sa Commission on Appointments dahil sa citizenship issue.
Nagsilbi ring chairperson ng Securities and Exchange Commission si Yasay.
“We extend our heartfelt condolences to the family, friends, colleagues, and loved ones of former Department of Foreign Affairs Secretary [Perfecto] Yasay, Jr.,” ayon kay presidential spokesperson Harry Roque.
“As we pay tribute and honor Secretary Yasay, we offer our sincerest prayers to the Almighty to grant him eternal repose. --FRJ, GMA News