Nilinaw ng Malacañang na hindi bubuwisan ang mga online seller na hindi aabot sa P250,000 bawat taon ang kita, na inayunan naman ng National Economic Development Authority (NEDA).
“Maliwanag po iyan na kapag less than P250,000 ang net income, wala po kayong babayaran [na tax] kaya magrehistro na po kayo,” pahayag ni presidential spokesperson Harry Roque sa news briefing nitong Huwebes.
Sinuportahan naman ito ni acting NEDA secretary Karl Kendrick Chua na nagsabing: "Kung less than P250,000 annually po ang net income, exempted po ‘yan sa pagbabayad ng tax."
Ang naturang patakaran ay nakasaad umano sa Tax Reform law.
Ginawa nila ang pahayag kasunod ng inilabas na Memorandum Circular No. 60-2020 ng Bureau of Internal Revenue (BIR), na nagtatakda sa mga negosyanteng gumagamit ng digital o electronic platform o online sellers na magparehistro.
Kasunod ng pagtaas ng transaksyon sa mga produkto via internet, tumaas din ang bilang ng mga nagrereklamo, batay sa datos ng Department of Trade and Industry.
Mula Enero hanggang Mayo, umabot na umano sa 9,044 ang natanggap na online complaints, kumpara sa 2,457 sa kaparehong panahon noong 2019.
Ayon pa sa datos, mula Abril hanggang May na katindihan ng enhanced community quarantine, mayroon 8,059 na kabuoang online complaints. Samantalang 985 naman mula Enero hanggang Marso.--FRJ, GMA News