Hindi pa maipatutupad ng Land Transportation Office (LTO) ang batas na nagtatakda sa mga motorsiklo na magkaroon ng dalawang plaka--isa sa harap at isa sa likod.
Ayon sa Land Transportation Office (LTO), wala pa silang maibibigay na mga plaka para maipatupad ang itinatakda sa Motorcycle Crime Prevention Act.
"'Yung implementation ng IRR (implementing rules and regulations) patungkol sa pagkakaroon ng plaka, hindi pa po natin maipapatupad dahil wala pa 'yung plaka, "ayon kay LTO Operations Division OIC Mercy Jane Paras-Leynes sa Laging Handa public briefing nitong Lunes.
Nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte noong nakaraang taon ang Motorcycle Crime Prevention Act or Republic Act 11235, na layuning matugunan ang dumadaming krimen na kinasasangkutan ng mga kriminal na gumagamit ng motorsiklo.
Nakasaad sa batas na dapat mas malaki na ngayon ang mga plaka na color-coded at mababasa kahit sa layong 15 metro.
"Nagsisimula na kaming mag-produce ngayon (ng plaka). Ang target delivery natin na initial will be July 2020. Baka ho sa September mai-deliver na 'yung mga plaka sa LTO para don sa mga 2018 na sasakyan," ayon kay Leynes. — FRJ, GMA News