Kulungan ang bagsak ng isang ginang matapos siyang mag-alok umano na i-livestream ang sekswal na pang-aabuso ng tatlo niyang menor de edad na anak at pamangkin kapalit ng pera sa Caloocan City.
Sa ulat ng pulisya, nadakip ng pinagsanib na puwersa ng Philippine National Police - Women and Children Protection Center - Anti-Trafficking in Persons Division (PNP WCPC-ATIPD) at National Bureau of Investigation –Anti-Human Trafficking Division (NBI-AHTRAD) ang 35-anyos na suspek sa kaniyang bahay nitong Biyernes.
Nasa walo hanggang 17 ang edad ng mga menor de edad niyang anak, habang apat na anyos naman ang edad ng kaniyang pamangkin.
Natukoy ang aktibidad ng suspek nang gumawa ng referral ang Australian Federal Police sa Philippine Internet Crimes Against Children Centre (PICACC), na siyang nag-udyok para magsagawa ng imbestigasyon ang PNP-WCPC-ATIPD at NBI-AHTRAD.
Ayon kay Police Brigadier General Alessandro Abella, hepe ng WCPC, nakaranas pa ng matinding trapiko ang kaniyang mga tauhan sa EDSA habang isinasagawa ang operasyon.
Sasailalim ang mga biktima sa pangangalaga ng Caloocan City Social Welfare and Development Office.
Mahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa RA 9208 o Anti- Trafficking in Persons Act of 2012, RA 10175 o Cybercrime Prevention Act, RA 9775 o Anti Child Pornography Act at RA 7610 o Anti-Child Abuse Act. — Jamil Santos/DVM, GMA News