Lumobo sa 16,634 ang coronavirus disease 2019 (COVID-19) cases sa Pilipinas nitong Biyernes matapos iulat ng Department of Health (DOH) ang 1,046 na panibagong bilang ng mga nagpositibo sa virus.

Sa naturang mga bagong kaso, sinabing 46 ang bagong "validated" cases, habang 1,000 ang "delayed" cases.

Ayon pa sa DOH, 122 na pasyente pa ang gumaling sa sakit, para sa kabuuang bilang na 3,720 ng mga nagtagumpay sa laban sa virus.


 

Samantala, 21 naman ang nadagdag sa listahan ng mga nasawing pasyente para sa kabuuang bilang na 942.

Una rito, ipinaliwanag ng DOH na ang pagdami ng mga naiiulat na bilang ng mga positibo sa virus ay dulot ng pagtaas ng kapasidad ng ahensiya na mag-validad ng kaso dahil sa pagkuha ng karagdagang encoder.

Nitong Huwebes, idineklara ni Pangulong Rodrigo Duterte na isasailalim na ang Metro Manila sa general community quarantine (GCQ) mula sa modified enhanced community quarantine (MECQ) simula sa Hunyo June 1.

Kamakailan lang ay nagbabala ang mga dalubhasa sa paglalagay sa Metro Manila sa GCQ dahil mayroon pa umanong 7,000 positibong kaso ng COVID-19 ang hindi nailalabas sa listahan ng DOH. (READ: Higit 7k pang nagpositibo sa COVID-19, 'wala pa sa listahan ng COVID-19 cases ng bansa–UP study)--FRJ, GMA News