Inihayag ni Police Lieutenant General Guillermo Eleazar, commander ng Joint Task Force COVID Shield, na hindi pa rin pinapayagan ang magka-angkas sa motorsiklo kahit niluwagan na ang quarantine protocols sa Metro Manila.
"According po doon sa guidelines na ibinigay sa atin, ang Joint Task Force naman po ay nag-i-implement, sa ngayon po ay hindi pa..." pahayag ni Eleazar sa Laging Handa press briefing nitong Biyernes.
"Una, violation talaga sa physical distancing at siguro po wine-weigh nila ang pros and cons at sa ngayon, hindi pa po puwede. Kahit pulis hindi po puwede ang angkasan..." sabi pa ni Eleazar.
Ipinagbawal ng pamahalaan ang magka-angkas sa motorsiklo mula nang magpatupad ng community quarantine para mabawasan ang hawahan sa COVID-19.
Nitong Huwebes, inihayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na isasailalim na sa mas maluwag na general community quarantine ang Metro Manila simula sa Hunyo 1, mula sa kasalukuyang modified enhanced community quarantine.
Kaya naman inaasahan na madagdagan pa ang bilang ng mga manggagawa na papayagan nang pumasok sa kani-kanilang trabaho. Gayunman, pili pa rin at limitado ang biyahe ng mga pampublikong transportasyon.
Si Ako Bicol party-list Representative Alfredo Garbin Jr., iminungkahi sa pamahalaan na payagan na ang magka-angkas sa motorsiklo sa mga lugar na nasa GCQ.
Ayon sa kongresista, "motorcycle is possibly the only mode of transportation for poor, low-income, and lower middle income segments of the population."
Kung papayagan, sinabi ni Garbin na dapat nakasuot ng helmet at face mask ang rider at ang kaniyang angkas.
Nauna nang iminungkahi ni Cavite Governor Jonvic Remulla, na payagan ang mag-asawa na magka-angkas sa motorsiklo.--FRJ, GMA News