Inaantabayanan pa rin ng pamunuan ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) ang magiging desisyon ng Inter-Agency Task Force sa hiling ng simbahan kaugnay sa religious activities.
Ito ay hinggil sa panuntunan ng IATF na limang tao lamang ang papayagang dumalo sa misa sa ilalim ng Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ) at 10-katao sa mga lugar na nasa ilalim ng General Community Quarantine (GCQ).
Ayon kay Novaliches Bishop Roberto Gaa, inatasan ni Davao Archbishop Romulo Valles si Pasig Bishop Mylo Hubert Vergara bilang kinatawan ng simbahan sa pulong kasama ang IATF.
“Dahil siya ay nasa Davao (Archbishop Valles), inatasan nya si Bishop Mylo na makilahok sa meeting ng IATF para mai-present ano yung mga concerns. Tapos tingnan natin, aralin natin,” ayon kay Bishop Gaa sa programang Pastoral Visit on-the-air sa Radio Veritas.
Ipatutupad sa Lunes, unang araw ng Hunyo, ang transition ng Metro Manila mula sa MECQ, patungong GCQ.
Una na nang nadismaya si Manila Administrator Bishop Broderick sa lumabas na panuntunan na lima hanggang sa 10-katao lamang ang maaring makapasok sa mga parokya sa mga lugar na umiiral ang MECQ at GCQ o mas maluwag na panuntunan ng community quarantine.
Palinawag ng Obispo, ito ay hindi "practical" lalo na sa malalaking simbahan.
“Siguro, instead na magbigay ng fixed na number, magandang magbigay ng density. Parang ilan per square meter?,” dagdag pa ni Bishop Gaa bilang pagsang-ayon.
Una na ring naglabas ng health protocol ang CBCP para sa mga mananampalataya kaugnay sa pagsisimula ng misa sa mga parokya.
Inamin naman ni Bishop Gaa na hindi kasama sa panuntunan na naihanda ng simbahan ang usapin kaugnay sa contact tracing na malaki ang maitutulong para sa pagtukoy sa mga posibleng mahawa ng coronavirus.
Una na ring inihayag ng IATF na pinag-aaralan ang mga naging suhestyon ng simbahan bagama’t hindi pa inaasahang mailalabas ang desisyon sa pagsisimula ng mas maluwag na panuntunan sa Lunes. —LBG, GMA News