Nagpahayag ng agam-agam ang isang opisyal ng Catholic Bishops Conference of the Philippines sa panukalang "virtual classes" sa kakayahan ng naturang learning mode sa paghuhubog sa pakatao ng mga estudyante.
Naniniwala si San Jose Nueva Ecija Bishop Roberto Mallari, na siya ring chairman ng CBCP-Episcopal Commission on Catholic Education, na marami ang maaaring gawin at matutuhan sa paggamit ng internet sa pag-aaral, ngunit binigyang-diin nito na mas nakatututlong sa paghuhubog ng pagkatao ang tradisyonal na pamamaraan ng pag-aaral.
Ayon kay Mallari, mahalagang gamitin lalo sa kasalukuyang sitwasyon dulot ng COVID-19 pandemic, ang mga pamamaraan upang maipagpatuloy ang pag-aaral ng mga kabataan.
"We really have to make use of what we have. Although of course, despite the fact that with online classes we can do a lot, personal encounter with teachers and fellow students contribute a lot in the formation of the person and of the student," pahayag ni Mallari sa Radio Veritas.
Sa isang pahayag ni Presidential Spokesperson Harry Roque, sinabi nitong sa posibleng pagbabalik ng klase sa Agosto maaaring gamitin na ang radyo, telebisyon at maging ang internet sa pagtuturo sa kabataan upang mapanatili ang physical distancing na isa sa mga pangunahing panuntunan sa pag-iwas sa coronavirus.
Sa kabila nito may agam-agam pa rin si Bishop Mallari sa posibleng virtual classes sapagkat marami sa mga Filipino ang walang sapat na access sa internet paritkular sa mga liblib na kanayunan sa bansa tulad ng mga lumad.
"Online study will enable us to see that there is big digital divide; so many of our young students do not have any access to the social media especially those in the rural areas," dagdag ni Mallari.
Samantala ayon naman kay Rev. Fr. Nolan Que, Trustee ng CEAP (Catholic Educators Association of the Philippines)- NCR, malaki ang magiging epekto ng hindi pagbubukas ng klase hindi lamang sa kabataan kundi maging sa mga guro at kawani ng eskwelahan na mawawalan ng kabuhayan.
Sinabi ni Father Que na kung hindi pa handa ang isang institusyon na magbubukas para sa mga estudyante, suriin ang iba pang mga pamamaraan na maipaabot sa kabataan ang edukasyon na nararapat. —LBG, GMA News