Biglang tumumba ang isang biker habang binabaybay ang EDSA nitong Biyernes ng umaga, ayon sa isang social media post ni Metro Manila Development Authority (MMDA) special traffic and transport zone head Bong Nebrija.

Hindi naman agad malinaw kung bakit tumumba ang biker.

Kalaunan, nasawi rin ang 55-anyos na biker, ayon sa ulat ni Ralph Obina ng Dobol B sa News TV. Binanggit sa ulat na sinabi ni Nebrija na maaaring nakaranas ang biker ng heat stroke.

Hindi muna tinukoy sa ulat ang pagkakakilanlan ng biker, pero dati raw itong empleyado ng MMDA.

"To all fellow bikers out there please make sure you’re fit enough to endure the distance and heat while pedaling to work," saad ni Nebrija sa Facebook.

Sa panayam kay Nebrija sa Dobol B sa News TV nitong Biyernes, sinabi niyang kinumpirma ng ospital na dead on arrival ang biker.

Nagtaka naman aniya ang MMDA kung paano nalaman agad ng mga kamag-anak ng biker ang nangyari sa kaniya.

Nakausap daw ni Nebrija ang brother-in-law ng biker.

"Ang nakakakilabot dito, may kamag-anak na tumawag doon sa kapatid ng biktima. Ang ano lang is bugso ng damdamin na nu'ng mabasa 'yung post ko sa Facebook, 'Baka si kuya ito.' Then tinawagan 'yung kapatid, pinuntahan, [kinumpirma], 'yun nga nandoon sila kanina sa Makati [Medical Center]," sabi ni Nebrija.

"Safety factors should be considered pagka nag-a-active transportation tayo. Aside from biking, scooter, or walking, 'yung kondisyon po ng pangangatawan o kalusugan natin kailangan nating alamin nang husto. Hindi po biro 'yung init na nararanasan natin ngayon and at the same time 'yung kawalan ng public transportation ngayon, kaniya-kaniyang diskarte talaga papasok ng trabaho," paalala ni Nebrija.

Ipinatitigil pa rin ang pampublikong sasakyan sa ilalim ng modified enhanced community quarantine sa Metro Manila dulot ng COVID-19 pandemic, kaya napilitan ang maraming manggagawa na sumubok ng alternatibong paraan ng transportasyon, tulad ng pagbibisikleta para makapasok sa trabaho.

Nitong Miyerkules, isang security guard na nagsisilbing frontliner sa isang condominium building ang nasawi dahil sa posibleng stroke habang pauwi galing ng trabaho.

Pagkatapos ng kaniyang shift sa Quezon City, natagpuan si Allan Artuz ng mga awtoridad na wala nang buhay.

Patungong Antipolo, Rizal si Artuz nang siya ay mag-collapse. —LBG/AOL, GMA News