Nagsisilbing idol ngayon sa tibay ng determinasyong mabuhay ang isang 90-anyos na lola, dahil bukod sa pagiging colon cancer survivor noong 2013, naging matagumpay din ang laban niya ngayon sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Sa ulat ni Bam Alegre sa GMA News "Unang Balita" nitong Huwebes, nagbunyi ng mga kaanak at health workers sa Philippine Heart Center nang makita na nila sa lobby ng pagamutan si lola Natalia Vicente.
“Paglabas niya ng elevator, shocked din siya kasi ang akala niya dalawa [lang] ‘yung susundo sa kanya tapos may staff din ng Philippine Heart Center. Nadagdagan din kami bale five sa family na nandoon para sumundo sa kanya,” ayon sa apo na si Beng Vicmundo.
Matapos ang 44 na araw na pakikipaglaban sa COVID-19, makakabalik na si lola Natalia sa kaniyang bahay at sari-sari store sa Quezon City.
Ayon kay Vicmundo, habang nasa sasakyan sila ay nabanggit daw ng kaniyang lola na, "Akala ko hindi na ako makakauwi.”
Abril 6 daw nang dalhil sa ospital si lola Natalia dahil sa pneumonia at nagpositibo nang isailalim sa COVID-19 test.
Labis naman ang pasasalamat ni lola Natalia sa mga medical frontliner na nag-asikaso at tumulong sa kaniya na gumaling. —FRJ, GMA News