Arestado ang isang lalaki matapos niyang tangkaing barilin ang isang barangay chairman na namimigay noon ng relief food packs sa Maynila. Nakaligtas ang bibiktimahin nang pumalya ang baril ng salarin.
Kinilala ng Manila Police District ang suspek na si Aiman Musa, 37-anyos, residente ng Malangas Street sa San Miguel, Maynila.
Nangyari ang insidente nitong Miyerkoles, bandang 4:30 p.m. habang namamahagi si Chairman Hashim Amatonding ng relief packs sa kaniyang mga nasasakupan sa harap ng Barangay Hall ng Brgy 648 Zone 67 sa Maliwanag Street.
Sa kalagitnaan ng pamimigay ni Amatonding ng ayuda sa mga residente, bumunot ng baril si Musa saka kinalabit ang gatilyo habang nakatutok sa barangay official.
Pero pumalya ang baril ng salarin at mabilis na tumakas. Gayunman, naaresto rin siya kinalaunan sa pinagtaguan niyang bahay ng mga rumespondeng tauhan ng MPD-SWAT na pinamunuan ni Police Lieutenant Armando Licayan Jr.
Nakuha sa kaniya ang isang kalibre .45 na baril na walang kaukulang dokumento.
Mahaharap ang suspek sa mga reklamong tangkang pagpatay at ilegal na pag-iingat ng baril.
Patuloy pa ang imbestigasyon kaugnay sa insidente. --Jamil Santos/FRJ, GMA News