Dinakip ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) ang negosyanteng Francis Leo Marcos dahil sa paglabag umano sa optometry law.
Sa ulat ni Isa AvendaƱo-Umali sa Dobol B sa News TV nitong Martes, inaresto ng Cybercrime Division ng NBI si Marcos kaugnay ng isang kaso sa Baguio City dahil sa paglabag sa Republic Act No. 8050.
Ayon kay Cybercrime division chief Victor Lorenzo, inaresto si Marcos sa Quezon City nitong Martes ng umaga base sa warrant of arrest na inilabas ng korte sa Baguio.
Ang kaso ay bunga umano ng pamamahagi umano ni Marcos ng eyeglasses nang walang permiso o pag-apruba mula sa Philippine association of optometrists.
Idinagdag ni Lorenzo na inaalam din ngayon ng NBI ang iba pang reklamo laban kay Marcos tulad ng qualified human trafficking at violence against women.
Iniimbestigahan din umano ng ibang pang unit ng NBI ang naturang negosyante.
Bukod sa pagiging negosyante, isa ring internet personality si Marcos na may mahigit isang milyong subscriber sa kaniyang YouTube channel.
Sinusubukan pang kunin ang pahayag ni Marcos kaugnay sa kaniyang pagkakaaresto.--FRJ, GMA News, GMA News