Inaprubahan ng mga kongresista sa ikalawang pagbasa nitong Miyerkules ang provisional franchise ng ABS-CBN na may bisa hanggang Oktubre 31, 2020.
Sa pamamagitan ng botohan sa plenaryo batay sa sigaw na "ayes and nays," idineklarang aprubado sa ikalawang pagbasa ang House Bill 6732, na iniakda ni Speaker Alan Peter Cayetano at pito pang lider ng kapulungan.
Naisalang sa plenaryo ang naturang panukala matapos itong lumusot sa Committee of the Whole sa kaparehong araw.
Sa pamamagitan ng provisional franchise, papayagan ang ABS-CBN na muling magbukas at makapag-operate habang tinatalakay ng Kamara at Senado ang mas matagal na bisa ng kanilang prangkisa na tatagal ng 25 taon.
Matatandaan na nagsara ang ABS-CBN nitong nakaraang linggo matapos magpalabas ng cease and desist order ang National Telecommunication Commission (NTC) nang mapaso ang kanilang prangkisa nitong Mayo 4 dahil hindi naaprubahan ng Kongreso.
Ayon kay Deputy Speaker Luis Raymund Villafuerte, isa sa mga may-akda ng panukala, hindi raw nila kinonsulta ang pamunuan ng ABS-CBN kaugnay sa naturang provisional franchise.
"This bill was filed with no interference or influence from either ABS-CBN, outside sources, private and public interest. The intention basically is for us Congress to have an impartial, comprehensive, extensive hearing, to enable us to fulfill our constitutional duty to decide whether to approve or reject this franchise," anang mambabatas.
"Hindi namin tinanong ang ABS-CBN o kung sino man kung okay sa kanila ito because I think that is against the Code of Conduct of Public Officials," dagdag niya.
Sa kaniyang sponsorship speech, iginiit ni Cayetano na hindi kaugnay sa pagsupil sa kalayaan sa pamamahayag ang dahilan ng problema ng prangkisa ng ABS-CBN. Katunayan, maaari pa rin naman umanong maglabas ng balita ang network sa ibang paraan tulad ng internet.
Kinilala rin niya ang kontribusyon ng ABS-CBN sa pagtugon sa COVID-19 crisis.
"There is no question that you have been part of nation-building. But as you said yourself, you are not perfect. I agree. No one is. And that is why we need these hearings," saad ni Cayetano.
"If it is done properly, we will emerge stronger and more unified - having laid to rest one of the most politically charged issues of our time. But to do this, we need everyone’s cooperation, understanding, and open-mindedness," dagdag niya.
Sa sandaling maaprubahan sa ikatlong pagbasa ang panukala, ipadadala na ito sa Senado para talakayin at aprubahan naman ng mga senador.
Kapag nakalusot na sa dalawang kapulungan ng Kongreso, ipadadala ang panukala kay Pangulong Rodrigo Duterte para pirmahan upang ganap na maging batas.
Kabilang sa mga author ng panukala sina Deputy Speakers Neptali Gonzales, Raneo Abu, Roberto Puno, Dan Fernandez, Majority Leader Martin Romualdez, at House Committee on Good Government and Public Accountability chair Jonathan Sy-Alvarado.--FRJ, GMA News