Hinimok ni Interior Secretary Eduardo Año ang mga opisyal ng gobyerno, kasama ang mga pulis, na magpakita ng delicadeza at maging magandang halimbawa sa mga mamamayan ngayong panahon ng community quarantine.

Ito ang naging reaksyon ni Año sa isang panayam sa radyo matapos hingan ng komento tungkol sa isinagawang birthday celebration ni National Capital Region Police Office (NCRPO) chief Police Major General Debold Sinas at ang kaniyang relief operations sa Tondo, Manila, kung saan hindi umano naobserbahan ang social distancing.

"Ang ating sinasabi sa ating mga government officials lalo na sa nasasakupan ng DILG, ito 'yung tinatawag nating delicadeza, may mga pagkakataon na kailangan maging example ka," ani Año.

Iginiit ni Año sa ilalim ng enhanced community quarantine na ipinatutupad dahil sa COVID-19 pandemic, bawal ang anumang uri ng mass gathering.

"That is a big no no, habang nasa ECQ tayo, wala 'yung mga celebration na ganyan, 'yung mga organized dinner na ganito, hindi 'yan ano... delicadeza nga eh. Right then and there, dapat ipatigil mo," sabi ni Año.

Sinabi naman ng DILG chief na ipinauubaya na niya sa Philippine National Police (PNP) ang imbestigasyon kaugnay sa isyu.

"Ito ay papaubaya ko sa Philippine National Police 'yung pag-conduct ng investigation nito kung ano ba talaga 'yung nangyari," ani Año.

Nauna nang sinabi ni PNP chief Police General Archie Francisco Gamboa na titingnan niya rin ang insidente. Gayunman, sinabi pa rin ni Gamboa na may tiwala pa rin siya kay Sinas at wala siyang nakikitang violation sa nangyari.

Ayon pa kay Gamboa, siniguro sa kaniya ni Sinas na inobserbahan nila ang social distancing sa kaniyang birthday celebration.

Hiningian na ng GMA News Online si Sinas ng komento pero hindi pa ito tumutugon. --Jamil Santos/KBK, GMA News